Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Katulad ng daan-daang milyong ibang mga tagasunod ng Panginoong Jesucristo, tayo ay sumusunod sa mga batas at utos ng Biblia, tinatamasa ang masaganang biyaya ng Panginoong Jesucristo, nagsasama-sama, nananalangin, nagpupuri, at naglilingkod sa ngalan ng Panginoong Jesucristo—at lahat ng ito ay ating ginagawa sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Panginoon. Tayo ay madalas na mahina, at madalas ay malakas. Tayo ay naniniwala na ang lahat ng ating kilos ay alinsunod sa aral ng Panginoon. Maliwanag, kung gayon, na tayo rin sa ating sarili ay naniniwalang lumalakad sa landas ng pagsunod sa kagustuhan ng Ama sa langit. Nananabik tayo sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, sa maluwalhating pagdating ng Panginoong Jesus, sa pagtatapos ng ating buhay dito sa lupa, sa pagpapakita ng kaharian, at sa lahat gaya ng nasasaad sa Aklat ng Pahayag: Ang Panginoon ay dumating, at may dalang sakuna, gagantimpalaan ang mabubuti at paparusahan ang masasama, isasama ang lahat ng sumusunod sa Kanya at malugod na tanggapin ang Kanyang pagbalik mula sa alapaap upang Siya ay salubungin. Tuwing ito’y ating maiisip, hindi natin mapigilang manaig ang ating damdamin. Tayo ay nagpapasalamat na tayo ay isinilang sa mga huling araw, at tayo ay mapalad na masaksihan ang pagdating ng Panginoon. Bagaman tayo ay nakaranas ng pag-uusig, ito naman ay para sa “lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan”; kay laking pagpapala nito! Ang lahat ng pananabik na ito at ang biyaya na ipinagkaloob ng Panginoon ay dinadala tayo sa mahinahong panalangin, at tayo ay pinagsasama-sama nang madalas. Maaari ay sa susunod na taon, maaaring bukas, o maaring sa lalong madali kung kailan hindi inaasahan ng tao, ang Panginoon ay biglaang darating, at tiyak na magpapakita sa gitna ng kalipunan ng mga taong masigasig na naghihintay sa Kanya. Lahat tayo ay nakikipagpaligsahan sa isa’t isa, walang nagnanais na maiwan, nang sa ganoon ay maging unang kalipunan na mamasdan ang pagpapakita ng Panginoon, na maging isa sa mga unang aagawin sa alapaap. Ibinigay natin ang lahat, hindi alintana ang kalalabasan, para sa pagdating ng araw na ito. Ang ilan ay isinuko ang kanilang mga trabaho, ang ilan ay iniwan ang kanilang mga pamilya, ang ilan ay tinalikuran ang kanilang mga buhay may asawa, at ang ilan ay ipinamigay na ang kanilang mga inipon. Anong walang pag-iimbot na debosyon! Ang gayong sinseridad at katapatan ay nalampasan kahit ang mga banal sa nakalipas na panahon! Habang ang Panginoon ay nagkakaloob ng biyaya sa kung sinumang Kanyang naisin, at habag sa sinumang Kanyang naisin, ang ating debosyon at pagpapagal, tayo ay naniniwala, ay nakita na rin ng Kanyang mga mata. Gayundin, ang ating taos-pusong mga panalangin ay naabot na rin ang Kanyang mga tainga, at tayo ay nagtitiwala na tayo ay gagantimpalaan ng Panginoon dahil sa ating debosyon. Bukod doon, ang Diyos ay nagmagandang-loob sa atin bago pa man Niya nilikha ang mundo, at walang sinuman ang makapag-aalis ng mga pagpapala at pangako ng Diyos sa atin. Tayong lahat ay nagpaplano para sa hinaharap, at ating nakikini-kinita na ang ating debosyon at pagpapagal ay ating inilalaan para sa ating pagsalubong sa ating Panginoon sa hangin. Higit sa lahat, wala ni katiting na pag-aatubili, inilalagay natin ang ating sarili sa trono sa hinaharap, pinamumunuan ang lahat ng mga bansa at mga tao, o mga namamahala bilang mga hari. Ang lahat ng ito ay inaakala nating ibinigay na, o isang bagay na maaasahan.
Tinutuya natin ang lahat ng laban sa Panginoong Jesus; sa katapusan, silang lahat ay pupuksain. Sino ang nagsabi sa kanila na huwag maniwalang Tagapagligtas ang Panginoong Jesus? Tiyak na may mga pagkakataong tayo ay natututo mula sa Panginoong Jesus at tayo ay mahabagin sa mundo, dahil hindi nila nauunawaan, at tayo ay nararapat na maging mapagparaya at mapagpatawad sa kanila. Ang lahat ng ating ginagawa ay alinsunod sa mga salita ng Biblia, dahil ang lahat ng hindi tumatalima sa Biblia ay maling pananampalataya, at isang masamang kulto. Ang mga ganoong paniniwala ay nakatanim nang malalim sa ating mga isipan. Ang ating Panginoon ay nasa Biblia, at kapag tayo ay hindi lalayo sa Biblia, tayo ay hindi rin malalayo sa Panginoon; kapag tayo ay sumunod sa mga alituntunin, tayo ay tiyak na maliligtas. Inuudyukan natin at inaalalayan ang bawat isa, at sa tuwing tayo ay magsasama-sama, inaasahan natin na ang lahat ng ating sinasabi at ginagawa ay alinsunod sa kalooban ng Panginoon, at maaaring tanggapin ng Panginoon. Sa kabila ng malubhang hamon ng ating kapaligiran, ang ating mga puso ay puno ng kasiyahan. Kapag ating iniisip ang mga pagpapala na madaling makamit, mayroon pa ba tayong hindi kayang talikuran? Mayroon pa ba tayong hindi kayang gawin upang maging bahagi nito? Ang lahat ng ito ay tiyak, at ang lahat ng ito ay pinagmamasdan ng mga mata ng Diyos. Tayo, isang dakot na mga nangangailangan na iniangat mula sa tambak ng dumi, ay walang pinagkaiba sa mga karaniwang tagasunod ng Panginoong Jesus: Tayo ay nangangarap ng pag-agaw sa alapaap, at pagiging-mapalad, at ng pamamahala sa mga bansa. Ang ating katiwalian ay nakalatag sa harap ng mga mata ng Diyos, at ang ating mga hangarin at kasakiman ay nahatulan sa mga mata ng Diyos. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay pangkaraniwang nangyari, napakamakatuwiran, at wala sa atin ang nagtaka kung ang ating pananabik ay nararapat, wala rin sa atin ang nagduda tungkol sa katiyakan ng lahat ng ating pinanghahawakan. Sino ang maaaring makaalam ng kalooban ng Diyos? Hindi natin alam kung paano maghanap, o magsiyasat, o kahit maging abala sa landas na tinatahak ng tao. Dahil ang tanging inaalala natin ay kung kasama tayo sa mga sasalubong sa Panginoon, kung tayo ba ay pagpapalain, kung mayroon bang lugar para sa atin sa kaharian sa langit, at kung tayo ba ay may bahagi ng tubig mula sa ilog ng buhay at ang bunga mula sa puno ng buhay. Hindi ba tayo naniniwala sa Panginoon, at hindi ba tayo mga tagasunod ng Panginoon, para lamang sa kapakanan ng mga bagay na ito? Pinatawad na ang ating mga kasalanan, tayo ang nagsisi, ininom natin ang mapait na saro ng alak, at ating inilagay ang krus sa ating likuran. Sino ang makapagsasabi na ang ating pagdurusa ay hindi tatanggapin ng Panginoon? Sino ang makapagsasabi na tayo ay hindi nakapaghanda ng sapat na langis? Hindi natin nais na maging katulad ng mga birheng mangmang, o isa sa mga tinalikdan. Higit pa rito, tayo ay madalas nananalangin, at hinihingi sa Panginoon na tulungan tayo upang hindi malinlang ng mga bulaang Cristo, dahil ang sabi sa Biblia ay “Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka’t may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang” (Mateo 24:23-24). Ating itinatak sa ating mga kaisipan ang mga bersikulo na ito ng Biblia, alam natin ang mga ito mula likod hanggang harap, at itinuturing natin itong mahalagang kayamanan, katulad ng buhay, at mga katibayan para sa ating pagkaligtas at pagsalubong sa Panginoon …
—————————————————————
Ipinaliliwanag ng bahaging Mga Propesiya sa Biblia ang mga propesiya tungkol sa mga kalamidad sa mga huling araw, ikalawang pagparito ni Jesus, mga pangalan ng Diyos, huling paghuhukom, at iba pa.
—————————————————————
Sa loob ng libu-libong taon, ang mga nabubuhay ay namatay na, dala-dala ang kanilang mga inaasam at mga pangarap, at walang tunay na nakakaalam kung sila ay napunta sa kaharian ng langit. Ang mga patay ay nagbalik, at kanilang nakalimutan ang mga kwento na minsang nangyari, at patuloy pa ring sinusunod ang mga turo at mga landas ng mga ninuno. At sa paglipas ng mga taon at pagdaan ng mga araw, walang nakakaalam kung ang ating Panginoong Jesus, ang ating Diyos, ay talagang tinatanggap ang ating mga ginagawa. Tiningnan lamang natin ang kalalabasan at nagpapapalagay kung ano ang mga maaaring mangyari. Ngunit, pinanatili ng Diyos ang Kanyang katahimikan, at hindi nagpakita sa atin, o nakipag-usap sa atin. At dahil doon, namimihasa tayong hinahatulan ang kalooban at disposisyon ng Diyos alinsunod sa Biblia at ang mga katibayan. Tayo ay nasanay sa katahimikan ng Diyos; tayo ay nasanay sa pagsukat ng mga tama at mali sa ating pag-uugali gamit ang ating sariling paraan ng pag-iisip; tayo ay nasanay sa paggamit ng ating kaalaman, pagkakaintindi, at pamantayang moral upang palitan ang mga kahilingan ng Diyos sa atin; tayo ay nasanay sa pagtamasa ng biyaya ng Diyos; tayo ay nasanay na ang Diyos ay nagbibigay ng tulong tuwing ito ay ating kailangan; tayo ay nasanay na inilalahad na lamang ang ating mga palad sa Diyos para sa lahat ng bagay, at inuutusan ang Diyos; tayo rin ay nasanay sa pagsunod sa mga doktrina, hindi binibigyang-pansin kung paano tayo pangunahan ng Banal na Espiritu; higit pa rito, tayo ay nasanay sa mga araw na ang ating sarili ang ating panginoon. Naniniwala tayo sa Diyos na ito, na hindi pa natin nakikita. Ang mga tanong katulad ng kung ano ang Kanyang disposisyon, ano ang Kanyang mga pag-aari at pagiging Siya, ano ang Kanyang imahe, kung makikilala ba natin Siya kapag Siya ay dumating, at marami pang iba—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay Siya ay nasa ating mga puso, na Siya ay ating hinihintay, at maaari nating isipin kung ano Siya. Pinahahalagahan natin ang ating paniniwala, at pinagyayaman ang ating espirituwalidad. Itinuturing nating dumi, at tinatapakan ang lahat ng nasa paanan. Dahil tayo ang mga tagasunod ng maluwalhating Panginoon, gaano man katagal at nakakapagod ang paglalakbay, anumang paghihirap at panganib ang ating sapitin, walang makapagpapahinto sa ating mga yapak habang tayo ay sumusunod sa Panginoon. “At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Diyos at ng Cordero, Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba’t ibang bunga, na namumunga sa bawa’t buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Diyos at ng Cordero ay naroroon: at siya’y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila’y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka’t liliwanagan sila ng Panginoong Diyos: at sila’y maghahari magpakailan kailan man” (Pahayag 22:1-5). Sa tuwing aawitin natin ang mga salitang ito, ang mga puso natin ay napupuno ng kagalakan at kasiyahan, at ang mga luha ay tumutulo mula sa ating mga mata. Salamat sa Panginoon sa pagpili sa atin, salamat sa Panginoon sa Kanyang biyaya. Tayo ay binigyan Niya ng makasandaang ulit ngayon, tayo ay binigyan Niya ng buhay na walang hanggan sa mundong darating, at kapag hiningi Niya ang ating mga buhay, ito ay ibibigay natin sa Kanya nang walang daing. Panginoon! Pakiusap na dumating Ka na! Huwag ka nang maantala ng isang minuto, dahil kami ay labis na naghahangad sa Iyo, at aming kinalimutan ang lahat para sa Iyo.
——————————————————————
Ang mga kalamidad sa buong mundo ay madalas na nangyayari at ang mga propesiya ng Panginoon ay karaniwang natutupad. Maraming tao ang natanto na ang Panginoon ay dumating na, kaya paano natin sasalubungin ang pagbabalik ng Panginoon?
Ipinahayag noong Marso 23, 2010
※コメント投稿者のブログIDはブログ作成者のみに通知されます