Makapangyarihang Diyos ay Ating Tagapagligtas

Makapangyarihang Diyos-Ang Pagbabalik ng Panginoong Jesus

Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

2020-06-01 08:34:09 | Salita ng Diyos
Sa Sandaling Mamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Inaasam mo bang makita si Jesus? Inaasam mo bang mabuhay kasama si Jesus? Inaasam mo bang marinig ang mga salitang sinasambit ni Jesus? Kung gayon, paano mo naman sasalubungin ang pagbabalik ni Jesus? Handang-handa ka na ba? Sa anong paraan mo sasalubungin ang pagbabalik ni Jesus? Sa palagay Ko bawat kapatid na lalaki at babae na sumusunod kay Jesus ay gugustuhing malugod na salubungin si Jesus. Nguni’t naisip na ba ninyo ito: Talaga bang makikilala ninyo si Jesus sa pagbabalik Niya? Talaga bang mauunawaan ninyo ang lahat ng sinasabi Niya? Talaga bang tatanggapin ninyo, nang walang-pasubali, ang lahat ng gawaing ginagawa Niya? Alam ng lahat niyaong nakabasa na ng Biblia ang tungkol sa pagbabalik ni Jesus, at lahat niyaong nakabasa na ng Biblia ay taimtim na naghihintay sa Kanyang pagdating. Nakatutok kayong lahat sa pagdating ng sandaling iyon, at kapuri-puri ang inyong katapatan, talagang nakakainggit ang inyong pananampalataya, nguni’t natatanto ba ninyo na nakagawa na kayo ng malubhang pagkakamali? Sa anong paraan babalik si Jesus? Naniniwala kayo na si Jesus ay babalik na nasa ibabaw ng puting ulap, nguni’t ito ang tanong Ko sa inyo: Ano ang tinutukoy ng puting ulap na ito? Sa napakaraming taga-sunod ni Jesus na naghihintay sa Kanyang pagbalik, sa gitna ng aling mga tao Siya bababa? Kung sa inyo unang bababa si Jesus, hindi ba ito ituturing ng iba na lubhang di-patas? Alam Ko na napakataimtim at napakatapat ninyo kay Jesus, nguni’t nakaharap na ba ninyo si Jesus? Alam ba ninyo ang Kanyang disposisyon? Nakasama na ba ninyo Siya? Gaano ba talaga ang inyong nauunawaan tungkol sa Kanya? Sasabihin ng ilan na ang mga salitang ito ay naglalagay sa kanila sa nakakaasiwang kalagayan. Sasabihin nilang, “Napakaraming beses ko nang nabasa ang Biblia mula simula hanggang wakas. Paanong hindi ko mauunawaan si Jesus? Huwag na nating isipin ang disposisyon ni Jesus—alam ko pa nga ang kulay ng mga damit na gusto Niyang isuot. Hindi mo ba ako hinahamak kapag sinasabi Mo na hindi ko Siya nauunawaan?” Iminumungkahi Ko na huwag kang makipagtalo sa mga usaping ito; mas mabuti pang huminahon at makibahagi tungkol sa sumusunod na mga tanong: Una, alam mo ba kung ano ang realidad, at ano ang teoriya? Ikalawa, alam mo ba kung ano ang pagkaintindi, at ano ang katotohanan? Ikatlo, alam mo ba kung ano ang akala, at ano ang totoo?

Ikinakaila ng ilang tao ang katunayan na hindi nila nauunawaan si Jesus. Subali’t sinasabi Ko na hindi ninyo Siya nauunawaan kahit katiting, at hindi ninyo naiintindihan ni isang salita ni Jesus. Iyan ay dahil bawat isa sa inyo ay sumusunod sa Kanya dahil sa mga salaysay sa Biblia, dahil sa sinabi ng iba. Hindi pa ninyo kailanman nakita si Jesus, ni nakapiling Siya, at ni hindi nga ninyo Siya nakasama sa loob ng maikling panahon. Samakatwid, hindi ba teoriya lamang ang pagkaunawa ninyo kay Jesus? Hindi ba wala itong katotohanan? Marahil ay nakita na ng ilang tao ang larawan ni Jesus, o personal na nabisita na ng ilan ang tahanan ni Jesus. Siguro nahawakan na ng ilan ang damit ni Jesus. Subali’t ang pagkaunawa mo sa Kanya ay teoretikal pa rin at hindi praktikal, kahit pa personal mong natikman na ang pagkaing kinain ni Jesus. Anuman ang sitwasyon, hindi mo pa kailanman nakita si Jesus, at hindi mo pa kailanman nakasama Siya sa anyo ng katawang-tao, kaya nga ang pagkaunawa mo kay Jesus ay laging walang-kabuluhang teoriya na walang katotohanan. Marahil ay hindi ka gaanong interesado sa mga sinabi Ko, ngunit ito ang tanong Ko sa iyo: Kahit maaaring marami ka nang nabasang akda ng paborito mong manunulat, lubos mo ba siyang mauunawaan kahit hindi mo pa siya kailanman nakasama? Alam mo ba ang kanyang pagkatao? Alam mo ba ang uri ng kanyang pamumuhay? May alam ka ba tungkol sa kanyang nadarama? Ni hindi mo nga lubos na mauunawaan ang isang taong hinahangaan mo, paano mo pa kaya mauunawaan si Jesucristo? Lahat ng nauunawaan mo tungkol kay Jesus ay puno ng imahinasyon at pagkaintindi, at walang tinataglay na katotohanan o katunayan. Nangangamoy ito, at puno ng laman. Paano ka magiging karapat-dapat na salubungin si Jesus kung ganyan ang pagkaunawa mo? Hindi tatanggapin ni Jesus ang mga taong puno ng mga pantasya at mga pagkaintindi ng laman. Paano nagiging akmang manalig kay Jesus ang mga taong hindi nakakaunawa sa Kanya?

Gusto ba ninyong malaman ang ugat kung bakit kinalaban ng mga Fariseo si Jesus? Gusto ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinanap ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman, at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagkamali silang kumapit nang walang-saysay sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa anumang paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng pananalig nila sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang mga pananaw na ito? Tatanungin Ko kayong muli: Hindi ba napakadali ninyong magawa ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayong kahit katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilala ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kakalabanin si Cristo? Kaya mo bang sumunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kakalabanin mo si Cristo, sinasabi Ko na nasa bingit na ng kamatayan ang buhay mo. Yaong lahat na hindi nakakilala sa Mesiyas ay kayang kalabanin si Jesus, tanggihan si Jesus, siraan Siya ng puri. Ang mga taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kayang lahat na itatwa Siya, at laitin Siya. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagkawasak sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at paghamak sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumabalik Siya sa katawang-tao sa ibabaw ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sa ibabaw ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang wawasakin. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at gusto lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus kapag bumabalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbabalik ni Jesus na nasa ibabaw ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sa ibabaw ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa na nagpapadakila sa inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?

Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay pang-isipan at bunga lamang ng isipan, ang inyong mga pagpapagal ay para lamang magtamo ng mga pagpapala ng langit, kaya paano kayo dapat manampalataya? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan ka pa rin sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano igalang si Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano tukuyin ang gawain ng Diyos Mismo at ang mga panlilinlang ng tao. Ang alam mo lamang ay husgahan ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong kaisipan. Nasaan ang iyong kapakumbabaan? Nasaan ang iyong pagsunod? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang paghahangad mong hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong paggalang sa Diyos? Sinasabi Ko sa inyo, tiyak na yaong mga naniniwala sa Diyos nang dahil sa mga palatandaan ay tiyak na nasa kategorya ng mga daranas ng pagkawasak. Yaong mga hindi kayang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik na sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategorya na sasailalim sa walang-katapusang pagkawasak. Maaaring walang pakialam ang maraming tao sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ninyo nang sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sa ibabaw ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyan ng matinding katuwaan sa inyo, subalit dapat ninyong malaman na ang sandali kung kailan nasasaksihan ninyong bumababa si Jesus mula sa langit ay iyon din ang sandali ng pagbaba ninyo sa impiyerno para maparusahan. Sa panahong iyon magwawakas ang plano ng pamamahala ng Diyos, at mangyayari iyon kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga palatandaan ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga palatandaan, at sa gayon ay napadalisay na, ay makakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at makakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-katapusang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga palatandaan, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng malupit na paghatol at nagpapakawala ng tunay na landas ng buhay. Kaya maaari lamang silang pakitunguhan ni Jesus kapag hayagan Siyang bumabalik sa ibabaw ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano magagantimpalaan ni Jesus ang gayon kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga kayang tumanggap ng katotohanan, nguni’t para sa mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan, ito’y tanda ng paghuhusga. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at itakwil ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging isang mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang tapos; bukod pa rito, huwag maging mapagwalang-bahala at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat man lamang ninyong malaman na yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t walang-ingat na nagsasalita nang tapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang kapwa. Kayong lahat ay dapat maging isang taong makatwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, dahil narinig mo na ang daan ng katotohanan at nabasa na ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayo’y dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag masyadong magmalaki. Kapag may kaunting paggalang sa Diyos sa puso mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung ang mga iyon ay ang katotohanan o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil ilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, nagsasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimula kang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa panahon ng mga huling araw, at hindi dapat maging isang tao na lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil sa takot kayong malinlang. Hindi ba’t masyadong kaawa-awa ang gayon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi ang pagpapahayag ng Diyos, sa kahuli-huliha’y mapaparusahan ka, at hindi magtatamo ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang gayong katotohanang sinambit nang lantaran at napakalinaw, hindi ba’t hindi ka naaakma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t isa kang tao na hindi pinapalad nang sapat upang makabalik sa harapan ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag magpadalus-dalos at mapusok, at huwag ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong mga inaasahan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang iyong sarili. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?

__________________________________________________

Alam mo ba kung kailan babalik si Jesus? Dadalhin sa iyo ng pahinang ito ang balita ng pagbabalik ni Jesucristo at gagabayan ka upang masalubong Siya.


最新の画像もっと見る

コメントを投稿