Makapangyarihang Diyos ay Ating Tagapagligtas

Makapangyarihang Diyos-Ang Pagbabalik ng Panginoong Jesus

Paano Nakilala ni Pedro si Jesus

2020-05-11 10:15:41 | Salita ng Diyos
[


Noong panahong si Pedro ay kasama ni Jesus, nakita niya ang maraming kaibig-ibig na katangian ni Jesus, maraming aspeto na karapat-dapat na tularan, at marami na nakapagtustos sa kanya. Bagaman nakita ni Pedro ang pagiging Diyos kay Jesus sa maraming paraan, at nakita ang maraming kaibig-ibig na mga katangian, sa simula hindi niya kilala si Jesus. Sinimulang sundan ni Pedro si Jesus noong siya ay 20 taong gulang, at nagpatuloy siya sa loob ng anim na taon. Sa panahong iyan, hindi niya kailanman nakilala si Jesus, nguni’t handang sundan Siya dahil lamang sa paghanga sa Kanya. Noong unang tinawag siya ni Jesus sa baybayin ng Dagat ng Galilea, itinanong Niya: “Simon, anak ni Jonas, susundan mo ba Ako?” Sinabi ni Pedro: “Dapat kong sundan siya na ipinadala ng Amang nasa langit. Dapat kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu. Susundan Kita.” Sa panahong ito, narinig ni Pedro na sinabi ang hinggil sa isang lalaki na nagngangalang Jesus, ang pinakadakila sa mga propeta, ang minamahal na Anak ng Diyos, at si Pedro ay walang tigil na umaasang matagpuan Siya, umaasa ng pagkakataon na makita Siya (dahil iyan ang paraan noon kung paano siya ginabayan ng Banal na Espiritu). Bagaman hindi pa niya kailanman nakita Siya at narinig lamang ang mga sabi-sabi tungkol sa Kanya, unti-unting lumago ang pananabik at paghanga kay Jesus sa kanyang puso, at madalas niyang pinanabikan na isang araw ay makita si Jesus. At paano tinawag ni Jesus si Pedro? Narinig din Niya nang mabanggit ang tungkol sa isang lalaki na tinatawag na Pedro, at hindi ito sa paraan na tinagubilinan Siya ng Banal na Espiritu: “Pumunta Ka sa Dagat ng Galilea, kung saan may isang tinatawag na Simon, anak ni Jonas.” Narinig ni Jesus ang isa na nagsabing mayroong isa na tinatawag na Simon, anak ni Jonas, at na narinig ng mga tao ang kanyang pangangaral, na ipinangaral niya rin ang mabuting balita tungkol sa kaharian ng langit, at lahat ng mga taong nakarinig sa kanya ay naantig na lumuha. Pagkatapos marinig ito, sinundan ni Jesus ang taong iyan, at nagtungo sa Dagat ng Galilea; noong tinanggap ni Pedro ang tawag ni Jesus, sinundan niya Siya.
Noong panahong sinusundan niya si Jesus, napakarami niyang mga opinyon tungkol sa Kanya at palagi Siyang hinahatulan mula sa kanyang sariling pananaw. Bagaman mayroon siyang isang tiyak na antas ng pagkaunawa sa Espiritu, si Pedro ay hindi masyadong naliwanagan, kaya ganito ang mga salita na sinabi niya: “Dapat kong sundan siya na ipinadala ng Amang nasa langit. Dapat kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu.” Hindi niya naunawaan ang mga bagay na ginawa ni Jesus at walang natanggap na pagliliwanag. Pagkatapos na sundan Siya sa loob ng ilang panahon lumago ang kanyang interes sa kung ano ang ginawa at sinabi Niya, at kay Jesus Mismo. Naramdaman na niya na pumupukaw si Jesus kapwa ng pagsuyo at paggalang; ninais niyang makasama Siya at manatiling katabi Niya, at ang pakikinig sa mga salita ni Jesus ang nagbigay sa kanya ng panustos at tulong. Sa loob ng panahong sinundan niya si Jesus, pinagmasdan at isinapuso ni Pedro ang lahat ng bagay tungkol sa Kanyang buhay: Ang Kanyang mga kilos, mga salita, mga galaw, at mga pagpapahayag. Natamo niya ang isang malalim na pagkaunawa na si Jesus ay hindi katulad ng mga karaniwang tao. Bagaman ang Kanyang itsura ay lubhang karaniwan, lipos Siya ng pag-ibig, malasakit, at pagpapaubaya sa tao. Lahat ng bagay na ginawa o sinabi Niya ay malaking tulong sa iba, at sa Kanyang tabi nakita at natuto ng mga bagay-bagay si Pedro na kailanman hindi pa niya nakita o nakamtan noong una. Nakita niya na kahit na walang mataas na tayog ni pambihirang pagkatao si Jesus, nagtataglay Siya ng tunay na pambihira at hindi-pangkaraniwang katangian. Bagaman hindi kayang ganap na maipaliwanag ito ni Pedro, nakita niya na kumilos si Jesus nang naiiba sa lahat, dahil gumawa Siya ng mga bagay-bagay na malayo sa ginagawa ng karaniwang tao. Mula sa panahon ng kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus, natanto rin ni Pedro na ang Kanyang karakter ay iba roon sa karaniwang tao. Palagi Siyang kumikilos nang matatag at hindi kailanman nagmamadali, hindi kailanman eksaherado ni minaliit ang isang paksa, at pinatakbo ang Kanyang buhay sa paraang kapwa karaniwan at kahanga-hanga. Sa pakikipag-usap, si Jesus ay elegante at kaaya-aya, hayag at masayahin ngunit panatag, at hindi kailanman nawala ang Kanyang dignidad sa pagsasagawa ng Kanyang gawain. Nakita ni Pedro si Jesus na paminsan-minsang walang-imik, nguni’t sa ibang pagkakataon ay walang-tigil sa pagsasalita. Paminsan-minsan siya ay napakasaya kaya nagiging maliksi at buhay na buhay tulad ng isang kalapati, at paminsan-minsan nama’y napakalungkot kaya hindi Siya nagsasalita, na para bang isang inang binagyo. Kung minsan Siya ay galit na galit, tulad ng isang matapang na sundalo na dadaluhong upang pumatay ng mga kaaway, at paminsan-minsan ay katulad ng umaatungal na leon. Paminsan-minsan ay tumatawa Siya; sa ibang pagkakataon ay nananalangin at umiiyak. Hindi alintana kung paano man kumilos si Jesus, lumago ang walang-hangganang pag-ibig at paggalang ni Pedro para sa Kanya. Ang pagtawa ni Jesus ay nagdulot sa kanya ng labis na kaligayahan, ang Kanyang kalungkutan ay nagsadlak sa kanya sa pighati, ang Kanyang galit ay tumakot sa kanya, habang ang Kanyang habag, pagpapatawad, at pagiging-mahigpit ay nagsanhing mahalin niyang tunay si Jesus, nagkaroon ng totoong paggalang at pananabik sa Kanya. Siyempre, unti-unting natanto lamang ni Pedro ang lahat ng ito nang namuhay siyang kasama ni Jesus sa loob ng ilang taon.
Si Pedro ay isang lubos na matinong tao, ipinanganak na may likas na katalinuhan, nguni’t gumawa siya ng maraming hangal na mga bagay noong sumusunod kay Jesus. Sa simula pa lamang, may ilang mga paniwala siya tungkol kay Jesus. Tinanong niya: “Sinasabi ng mga tao na Ikaw ay isang propeta, kaya noong Ikaw ay walong taon at nasa tamang edad na upang maunawaan ang mga bagay-bagay, alam Mo ba na Ikaw ay Diyos? Alam Mo ba na ipinaglihi Ka ng Banal na Espiritu?” Tumugon si Jesus: “Hindi, hindi ko alam! Hindi ba ako mukhang napakakaraniwang tao sa iyo? Ako ay katulad ng sinuman. Ang taong ipadadala ng Ama ay isang karaniwang tao, hindi isang pambihira. At bagaman ang gawaing ginagawa Ko ay kumakatawan sa Aking Amang nasa langit, hindi ganap na kumakatawan ang Aking imahe, ang Aking pagkatao, at ang Aking katawang-tao sa Aking Amang nasa langit, isang bahagi lamang Niya. Bagaman galing Ako sa Espiritu, Ako pa rin ay isang karaniwang tao, at ipinadala Ako ng Aking Ama sa lupa bilang isang karaniwang tao, hindi isang pambihira.” Pagkarinig ni Pedro rito ay saka lamang siya nagkaroon ng bahagyang pagkaunawa kay Jesus. At pagkatapos lamang na dumaan siya sa hindi mabilang na mga oras ng gawain ni Jesus, ng Kanyang pagtuturo, ng Kanyang pamamatnubay, at ng Kanyang pag-alalay, na natamo niya ang mas malalim na pagkaunawa. Sa Kanyang ika-30 taon, sinabi ni Jesus kay Pedro ang Kanyang papalapit na pagpapapako sa krus, na pumarito Siya upang tuparin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Sinabi Niya rin sa kanya na tatlong araw pagkatapos ng pagpapapako sa krus, ang Anak ng tao ay mabubuhay muli, at sa sandaling nabuhay muli ay magpapakita sa mga tao sa loob ng 40 araw. Nalungkot si Pedro pagkarinig sa mga salitang ito, nguni’t lalong napalapit kay Jesus habang isinasapuso niya ang Kanyang mga salita.
——————————————————————
Ang testimonya ni Job ng paggalang sa Diyos ay kahanga-hanga para sa maraming tao. Kaya, paano tayo magkakaroon ng pusong may takot sa Diyos?
——————————————————————
Pagkatapos maranasan sa loob ng ilang panahon, natanto ni Pedro na ang lahat ng bagay na ginawa ni Jesus ay mula sa pagka-Diyos, at naisip niya na si Jesus ay bukod-tanging kaibig-ibig. Noon lamang nagkaroon siya ng ganitong pagkaunawa saka siya niliwanagan ng Banal na Espiritu mula sa loob. Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa Kanyang mga alagad at iba pang mga tagasunod at nagtanong: “Juan, sino ang ipinapalagay mong Ako?” Tumugon si Juan: “Kayo ay si Moises.” Pagkatapos ay bumaling Siya kay Lukas: “At ikaw, Lukas, sino ang ipinapalagay mong Ako?” Tumugon si Lukas: “Ikaw ang pinakadakila sa mga propeta.” Pagkatapos bumaling Siya sa isang kapatid na babae: “Sino ang ipinapalagay mong Ako?” Tumugon ang kapatid na babae: “Ikaw ang pinakadakila sa mga propeta na nagsasalita ng maraming salita mula sa walang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Walang propesiya ng sinuman ang kasindakila ng sa Iyo, ni ang karunungan ng sinuman ay mas malalim; Ikaw ay isang propeta.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus kay Pedro at nagtanong: “Pedro, sino ang ipinapalagay mong Ako?” Tumugon si Pedro: “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Nagmula Ka sa langit, hindi Ka nagmula sa daigdig, hindi Ka katulad ng mga nilalang ng Diyos. Kami ay nasa daigdig at Ikaw ay narito kasama namin, nguni’t Ikaw ay mula sa langit, hindi Ka nagmula sa mundo, at hindi Ka nagmula sa daigdig.” Sa pamamagitan ng karanasan niyang ito ay niliwanagan siya ng Banal na Espiritu, na nagsanhi sa kanya na dumating sa ganitong pagkaunawa. Pagkatapos ng pagliliwanag na ito, lalo pa niyang hinangaan ang lahat ng bagay na nagawa ni Jesus, inisip na mas lalo pa Siyang kaibig-ibig, at palaging nasa puso niya na atubiling mapahiwalay kay Jesus. Kaya, sa unang pagkakataong ibinunyag ni Jesus ang Kanyang Sarili kay Pedro pagkatapos Niyang napako sa krus at nabuhay na muli umiyak si Pedro taglay ang labis na kaligayahan: “Panginoon! Muli Kang nabuhay!” Pagkatapos, humahagulgol, nakahuli siya ng napakalaking isda, niluto ito at inihain ito kay Jesus. Ngumiti si Jesus, nguni’t hindi nagsalita. Bagaman alam ni Pedro na nabuhay muli si Jesus, hindi niya naunawaan ang misteryo nito. Nang ibinigay niya kay Jesus ang isda upang kainin, hindi tumanggi at hindi nagsalita o umupo upang kumain si Jesus, nguni’t sa halip ay biglang nawala. Lubhang nagulat si Pedro, at noon lamang niya naunawaan na ang nabuhay-na-muling si Jesus ay iba sa dating si Jesus. Sa sandaling natanto niya ito, namighati si Pedro, nguni’t naaliw rin sa pagkakaalam na natapos na ng Panginoon ang Kanyang gawain. Alam niya na ganap nang natapos ni Jesus ang Kanyang gawain, na ang Kanyang panahon na kasama ng tao ay tapos na, at na ang tao ay dapat lumakad ng kanyang sariling daan mula noon. Minsan sinabi ni Jesus sa kanya: “Dapat uminom ka rin mula sa mapait na tasa na Aking ininuman (ito ang Kanyang sinabi pagkatapos ng pagkabuhay-na-muli), dapat mo ring lakaran ang daan na Aking nilakaran, dapat mong ialay ang buhay mo para sa Akin.” Hindi katulad ngayon, ang gawain noong panahong iyon ay hindi sa anyo ng harapang pag-uusap. Sa panahon ng Kapanahunan ng Biyaya, ang gawain ng Banal na Espiritu ay tagung-tago, at dumanas si Pedro ng maraming mga paghihirap, at paminsan-minsan ay umabot sa puntong napapabulalas: “Diyos! Walang-wala ako maliban sa buhay na ito. Bagaman hindi ito gaanong karapat-dapat sa Iyo, nais kong ihandog ito sa Iyo. Bagaman hindi karapat-dapat na magmahal sa Iyo ang mga tao, at ang kanilang pag-ibig at mga puso ay walang-silbi, naniniwala ako na nakikita Mo ang layon sa mga puso ng mga tao. At kahit na ang mga katawan ng mga tao ay hindi katanggap-tanggap sa Iyo, ninanais kong tanggapin Mo ang aking puso.” Sa pagbigkas sa mga panalanging ito nakakatanggap siya ng kalakasan, lalo na nang siya ay nanalangin: “Buo kong iaalay ang aking puso sa Diyos. Kahit na wala akong anumang bagay na magawa para sa Diyos, tapat kong bibigyang-kasiyahan ang Diyos at buong-pusong iuukol ang aking sarili sa Kanya. Naniniwala ako na dapat tumingin ang Diyos sa aking puso.” Sinabi niya: “Wala akong hinihiling sa buhay ko maliban na ang mga kaisipan ko ng pag-ibig sa Diyos at ang pagnanasa ng puso ko ay tanggapin ng Diyos. Napakatagal kong kasama ang Panginoong Jesus, nguni’t hindi ko kailanman inibig Siya, ito ang pinakamalaking pagkakautang ko. Kahit na nanatili akong kasama Niya, hindi ko Siya kilala, at nagsalita pa nang ilang hindi angkop na mga bagay sa likuran Niya. Kapag iniisip ko ang mga bagay na ito, ipinadarama nito na lalo akong may pagkakautang sa Panginoong Jesus.” Palagi siyang nananalangin sa ganitong paraan. Sinabi niya: “Ako ay mas mababa sa alikabok. Wala akong magagawa maliban ang ialay ang pusong tapat na ito sa Diyos.”
May rurok sa mga karanasan ni Pedro, nang ang kanyang katawan ay halos ganap na lupaypay, nguni’t nagbigay sa kanya ng lakas at pag-asa si Jesus sa kaloob-looban. At nagpakita Siya sa kanya nang minsan. Nang nasa matinding pagdurusa si Pedro at nabigo ang kanyang puso, tinagubilinan siya ni Jesus: “Ikaw ay kasama Ko sa daigdig, at ako’y naritong kasama mo. At bagaman magkasama tayong dalawa noon sa langit, ito, pagkatapos ng lahat, ay mula sa espirituwal na mundo. Ngayon ako ay nagbalik sa espirituwal na mundo, at ikaw ay nasa daigdig. Dahil hindi ako mula sa daigdig, at bagaman ikaw rin ay hindi mula sa daigdig, dapat mong tuparin ang iyong katungkulan sa daigdig. Yamang ikaw ay isang tagapaglingkod, dapat mong gawin ang iyong tungkulin sa abot ng iyong makakaya.” Naaliw si Pedro, pagkarinig na maaari siyang bumalik sa piling ng Diyos. Nang si Pedro ay nasa gayong katinding kalungkutan na halos nakaratay siya, nakaramdam siya ng pagsisisi hanggang sa punto na nagsasabing: “Ako ay lubhang masama, hindi ko kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos.” Nagpakita si Jesus sa kanya at sinabi: “Pedro, maaari kayang nakalimutan mo na ang pagpapasya na iyong ginawa minsan sa harap Ko? Talaga bang nakalimutan mo na ang lahat ng bagay na sinabi Ko? Nakalimutan mo ba ang ginawa mong pagpapasya sa Akin?” Nakita ni Pedro na ito ay si Jesus at bumangon sa higaan, at inaliw siya ni Jesus: “Hindi ako mula sa daigdig, sinabi ko na sa iyo—dapat mong maunawaan ito, nguni’t nakalimutan mo ba ang isa pang bagay na sinabi Ko sa iyo? ‘Ikaw rin ay hindi mula sa daigdig, hindi mula sa mundo.’ Ngayon may gawain na kailangan mong gawin, hindi ka maaaring mamighati nang ganito, hindi ka maaaring magdusa nang ganito. Bagaman ang mga tao at ang Diyos ay hindi maaaring magkasamang umiral sa parehong mundo, mayroon Akong gawain at mayroon kang sa iyo, at isang araw kapag ang gawain mo ay tapos na, magkakasama tayo sa isang kinasasaklawan, at aakayin kita na kasama Ko magpakailanman.” Naaliw at muling nabigyan ng katiyakan si Pedro pagkatapos marinig ang mga salitang ito. Alam niyang ang pagdurusang ito ay isang bagay na dapat niyang tiisin at maranasan, at nagpanibagong-sigla mula noon. Espesyal na nagpapakita si Jesus sa kanya sa bawa’t mahalagang sandali, nagbibigay sa kanya ng espesyal na pagliliwanag at patnubay, at ginagawa ang maraming gawain sa loob niya. At ano ang pinanghihinayangan ni Pedro nang higit sa lahat? Tinanong ni Jesus si Pedro ng isa pang tanong (bagaman hindi ito nakatala sa Biblia sa ganitong paraan) hindi nagtagal pagkatapos sabihin ni Pedro ang “Ikaw ang Anak ng buhay na Diyos,” at ang tanong ay: “Pedro! Inibig mo ba Ako kahit minsan?” Naunawaan ni Pedro kung ano ang ibig Niyang sabihin, at sinabi: “Panginoon! Minsan kong inibig ang Amang nasa langit, nguni’t inaamin ko hindi Kita inibig kailanman.” Pagkatapos sinabi ni Jesus: “Kung hindi iniibig ng mga tao ang Ama sa langit, paano nilang iibigin ang Anak na nasa daigdig? At kung hindi iniibig ng mga tao ang Anak na ipinadala ng Diyos Ama, paano nilang iibigin ang Ama sa langit? Kung tunay na iniibig ng mga tao ang Anak sa daigdig, kung gayon tunay na iniibig nila ang Ama sa langit.” Nang marinig ni Pedro ang mga salitang ito natanto niya ang kanyang pagkukulang. Palagi niyang nadarama ang pagsisisi hanggang sa puntong luluha sa kanyang mga salitang “Minsan kong inibig ang Amang nasa langit, nguni’t hindi Kita inibig kailanman.” Pagkatapos ng muling-pagkabuhay at pag-akyat sa langit ni Jesus lalong nadama niya ang pagsisisi at pighati sa mga iyon. Inaalala ang kanyang nakaraang gawain at kasalukuyang tayog, madalas siyang nag-uukol ng panalangin kay Jesus, palaging nakadarama ng panghihinayang at pagkakautang dahil sa hindi niya nabigyang-kasiyahan ang ninanasa ng Diyos, at hindi makaabot sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga usaping ito ang naging pinakamalaking pasanin niya. Sinabi niya: “Isang araw iaalay ko sa Iyo ang lahat ng bagay na mayroon ako at lahat ng kung ano ako, ibibigay ko sa Iyo kung anuman ang pinakamahalaga.” Sinabi niya: “O Diyos! Mayroon lamang akong isang pananampalataya at isang pag-ibig. Walang katuturan ang aking buhay, at walang katuturan ang aking katawan. Mayroon lamang akong isang pananampalataya at isang pag-ibig. May pananampalataya ako sa Iyo sa isip at pag-ibig para sa Iyo sa aking puso; ang dalawang bagay na ito lamang ang mayroon ako na maibibigay ko sa Iyo at wala nang iba pa.” Lubhang nahikayat si Pedro ng mga salita ni Jesus, dahil bago naipako sa krus si Jesus sinabi Niya sa kanya: “Hindi ako mula sa mundong ito, at ikaw rin ay hindi mula sa mundong ito.” Kinalaunan, nang dumating si Pedro sa sandali ng matinding pasakit, pinaalalahanan siya ni Jesus: “Pedro, nakalimutan mo na ba? Hindi ako mula sa mundo, at dahil lamang sa gawain Ko kaya Ako ay lumisan nang mas maaga. Ikaw rin ay hindi mula sa mundo, nakalimutan mo na ba? Sinabi ko na sa iyo nang dalawang beses, hindi mo ba natatandaan?” Narinig Siya ni Pedro at sinabi: “Hindi ko nakalimutan!” Pagkatapos sinabi ni Jesus: “Minsan mo nang ginugol ang maligayang panahon na kasama Ako sa langit at ilang panahon sa Aking tabi. Nangungulila ka sa Akin, at nangungulila Ako sa iyo. Bagaman hindi karapat-dapat na banggitin ang mga nilalang sa Aking mga mata, paano Kong hindi iibigin ang isang inosente at kaibig-ibig? Nakalimutan mo ba ang pangako Ko? Dapat mong tanggapin ang Aking iniatang na gawain sa daigdig; dapat mong tuparin ang gawain na ipinagkatiwala ko sa iyo. Isang araw tiyak na aakayin kita patungo sa Aking tabi.” Pagkatapos marinig ito, mas nahikayat si Pedro, at tumanggap ng mas malaking inspirasyon, nang sa gayon nang siya ay nasa krus, kinaya niyang sabihin: “O Diyos! Hindi Kita maiibig nang sapat! Kahit na hilingin Mo akong mamatay, hindi pa rin Kita maiibig nang sapat! Saan Mo man ipadala ang aking kaluluwa, tuparin Mo man o hindi ang mga pangako Mo, anuman ang gawin Mo pagkatapos, Ikaw ay iniibig ko at naniniwala ako sa Iyo.” Ang kanyang pinanghawakan ay ang kanyang pananampalataya, at tunay pag-ibig.


————————————————————————
Maraming tao ang nagtitiwala na ang pagdurusa at pagbabayad, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at pangangalaga sa simbahan ng Panginoon - lahat ng mga bagay na ito ay nangangahulugang ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kapag ang Panginoon ay dumating, tayo ay madadala sa kaharian ng langit, ngunit ang katotohanan ba ang nangyari?

最新の画像もっと見る

コメントを投稿