Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (Juan 5:39–40).
“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang Biblia ay isang tala ng kasaysayan ng gawain ng Diyos sa Israel, at nakasulat dito ang marami sa mga panghuhula ng mga sinaunang propeta gayundin ang ilan sa mga pagbigkas ni Jehova sa Kanyang gawain sa panahong iyon. Kaya, tinitingnan ng lahat ng tao ang librong ito na banal (sapagkat ang Diyos ay banal at dakila). Sabihin pa, ang lahat ng ito ay resulta ng kanilang paggalang kay Jehova at ng kanilang pagsamba sa Diyos. Ang mga tao ay sumasangguni sa aklat na ito sa ganitong paraan dahil lamang sa ang mga nilalang ng Diyos ay lubhang sumasamba sa kanilang Lumikha, at mayroon pa nga yaong mga tumatawag sa aklat na ito na isang makalangit na aklat. Sa katunayan, ito ay isa lamang tala ng tao. Ito ay hindi personal na pinangalanan ni Jehova, ni hindi rin personal na ginabayan ni Jehova ang paglikha nito. Sa ibang salita, ang may-akda ng aklat na ito ay hindi ang Diyos, kundi mga tao. Ang Banal na Biblia ay ang kagalang-galang na pamagat lamang na ibinigay dito ng tao. Ang pamagat na ito ay hindi pinagpasiyahan ni Jehova at ni Jesus matapos Silang magtalakayan; ito ay isa lamang ideya ng tao. Sapagkat ang aklat na ito ay hindi sinulat ni Jehova, lalong hindi ni Jesus. Sa halip, ito ay ang mga salaysay ng maraming sinaunang propeta, mga apostol, at mga nakakakita ng pangitain, na tinipon ng mga sumunod na henerasyon bilang isang libro ng sinaunang mga kasulatan na, para sa mga tao, ay tila lubhang banal, isang libro na sa tingin nila ay naglalaman ng maraming hindi-maarok at malalalim na misteryo na naghihintay matuklasan ng susunod na mga henerasyon. Dahil dito, ang mga tao ay naging mas lalong nakaayong maniwala na ang aklat na ito ay isang makalangit na aklat. Dahil sa karagdagan ng Apat na Ebanghelyo at ng Aklat ng Pahayag, ang saloobin ng mga tao hinggil dito ay partikular na naiiba mula sa anumang iba pang libro, at kaya walang sinumang naglalakas-loob na himay-himayin itong “makalangit na aklat”—dahil ito ay masyadong “sagrado.”
—mula sa “Tungkol sa Biblia (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Dati-rati, Lumang Tipan lang ang binabasa ng mga tao ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya binasa ng mga tao ang Lumang Tipan. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang umiral na Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ito ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, kung saan karagdagan ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, nang tipunin ng sumunod na mga henerasyon ang kanilang mga talaan, at saka lamang nagkaroon ng Bagong Tipan. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, nagawa ni apostol Pablo ang lahat ng gawaing iyon, at pagkatapos ay pinagsama ang mga sulat nina Pablo at Pedro, at ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos ang inihuli, sapagkat ihinula nito ang gawain ng mga huling araw. Lahat ng ito ay isinaayos ng sumunod na mga henerasyon, at iba ito kaysa mga binigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na ginagawa ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Hindi mo kailangang makialam—ang mga salita, na direktang nagmula sa Espiritu, ay naisasaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pagkaalam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Biblia bilang Diyos napakamangmang at napakabobo mo!
—mula sa “Tungkol sa Biblia (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Pagkatapos ng lahat, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Biblia? Bakit kailangang maging ayon sa Biblia ang gawain ng Diyos? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Biblia? Hindi ba maaaring lumayo ang Diyos sa Biblia at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung mangingilin Siya sa araw ng Sabbath at magsasagawa ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, kundi sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya sinuway ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Biblia! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Biblia?
—mula sa “Tungkol sa Biblia (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magpakahulugan sa Biblia ay tulad ng pagkasumpong sa totoong landas—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y walang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang testamento sa sinundang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at hindi nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Biblia na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo; hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na nakalipas ay gumagawa sa mga ito na kasaysayan, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan. Sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! At kaya, kung iyo lamang nauunawaan ang Biblia, at walang naiintindihan sa gawain na nilalayong gawin ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos nguni’t hindi hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Biblia upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahabol ang buhay, dahil hinahabol mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahabol ang mga walang-buhay na titik at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Biblia—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga yaon na naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon.
—mula sa “Tungkol sa Biblia (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Diyos Mismo ay ang buhay, at ang katotohanan, at ang Kanyang buhay at katotohanan ay sabay na umiiral. Silang mga walang kakayahang makamtan ang katotohanan ay di-kailanman makakamtan ang buhay. Kung wala ang patnubay, tulong, at pagtustos ng katotohanan, ang makakamtan mo lang ay mga titik, mga doktrina, at, bukod diyan, kamatayan. Ang buhay ng Diyos ay laging naririyan, at ang Kanyang katotohanan at buhay ay umiiral nang sabay. Kung hindi mo mahahanap ang pinagmulan ng katotohanan, sa gayon hindi mo makakamtan ang pagkain ng buhay; kung hindi mo makakamtan ang panustos ng buhay, sa gayon tiyak na hindi ka talagang magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga imahinasyon at mga pagkaintindi, ang kabuuan ng iyong katawan ay magiging walang iba kundi laman lang, ang iyong umaalingasaw na laman. Alamin mo na ang mga salita ng mga aklat ay hindi itinuturing na buhay, ang mga talaan ng kasaysayan ay hindi maaaring ipagdiwang na katotohanan, at ang mga doktrina ng mga nakalipas na panahon ay hindi maaaring magsilbing paglalarawan ng sinambit ng Diyos sa kasalukuyan. Ang tanging mga inihahayag ng Diyos kapag Siya ay pumaparito sa lupa at namumuhay kasama ng mga tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kapag iyong ginamit ang mga itinalang mga salita na binigkas ng Diyos noong mga sinaunang panahon hanggang sa ngayon, sa gayon isa kang arkeologo, at ang pinakamainam na itawag sa iyo ay isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan. Iyon ay dahil lagi kang naniniwala sa mga bakas ng mga gawain ng Diyos noong unang panahon, pinaniniwalaan lang ang aninong iniwan ng Diyos noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at pinaniniwalaan lang ang mga paraan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong lumipas na panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanan na inihayag ng Diyos ngayon. Sa gayon hindi maipagkakaila na isa kang nangangarap nang gising na lubos na malayo sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pang nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay buhay sa tao, sa gayon tulad ka ng isang walang silbing piraso ng patay na kahoy,[a]dahil ikaw ay masyadong makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng pangangatuwiran!
—mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang mga taong nagawang tiwali na, ay namumuhay lahat sa bitag ni Satanas, nabubuhay sila sa laman, nabubuhay sa pansariling hangarin, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon sa Akin. Mayroong ilan na nagsasabing sila ay kaayon sa Akin, ngunit lahat sila ay sumasamba sa mga malabong diyos-diyosan. Bagaman kinikilala nila ang Aking pangalan bilang banal, sila ay tumatahak sa landas na taliwas sa Akin, at ang kanilang mga salita ay puno ng pagmamataas at pagtitiwala sa sarili, dahil, sa pinag-ugatan, silang lahat ay laban sa Akin, at lahat ay hindi kaayon sa Akin. Araw-araw silang naghahanap ng Aking mga bakas sa Biblia, at walang layong nakatatagpo ng kahit na anong mga “angkop” na sipi na binabasa nila nang walang katapusan, at kanilang binibigkas bilang mga kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon sa Akin, hindi nila alam ang ibig sabihin ng pakikipag-alitan sa Akin, at basta lamang nagbabasa ng mga kasulatan nang walang taros. Pinipilit nila sa Biblia ang malabong Diyos na hindi nila kailanman nakita, at walang kakayahang makita, at saka lamang nila tinitingnan kapag sila ay may libreng oras. Naniniwala sila sa Aking pag-iral ngunit sa loob lamang ng saklaw ng Biblia. Para sa kanila, Ako ay kapareho ng Biblia; kung wala ang Biblia wala rin Ako, at kung wala Ako, walang Biblia. Hindi nila pinapansin ang Aking pag-iral o mga pagkilos, kundi sa halip ay pinag-uukulan ng sobra at espesyal na pansin ang bawat isang salita ng Kasulatan, at marami pa nga sa kanila ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan sa Kasulatan. Sobra ang pagpapahalaga nila sa Kasulatan. Masasabi na itinuturing nilang napakahalaga ang mga salita at pahayag, hanggang sa gumamit sila ng mga talata mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang Aking sinasabi, at upang tuligsain Ako. Ang kanilang hinahanap ay hindi ang paraan para makaayon sila sa Akin, o ang paraan para makaayon sila sa katotohanan, kundi ang paraan para makaayon sila sa mga salita ng Biblia, at naniniwala sila na anumang hindi umaayon sa Biblia, nang walang itinatangi, ay hindi Ko gawain. Hindi ba ang gayong mga tao ang masunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Judio ang batas ni Moises upang tuligsain si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ni Jesus noong panahong iyon, kundi masigasig nilang sinunod nang perpekto ang batas, hanggang sa ipinako nila ang walang-salang si Jesus sa krus, pinagbintangan Siyang hindi sumusunod sa batas ng Lumang Tipan at na hindi Siya ang Mesiyas. Ano ang kanilang diwa? Hindi kaya na hindi nila hinanap ang paraan para makaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat isang salita ng Kasulatan, habang hindi nila pinapansin ang Aking kalooban at ang mga hakbang at pamamaraan ng Aking gawain. Hindi sila mga taong naghangad sa katotohanan, kundi mga taong mahigpit na sumunod sa mga salita ng Kasulatan; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong naniwala sa Biblia. Ang totoo, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang pangalagaan ang mga interes ng Biblia, at pagtibayin ang dangal nito, at protektahan ang reputasyon nito, ipinako pa nila ang maawaing si Jesus sa krus. Ginawa nila ito para lamang ipagtanggol ang Biblia, at mapanatili ang katayuan ng bawat isang salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya mas pinili nilang pabayaan ang kanilang kinabukasan at ang handog para sa kasalanan upang tuligsain si Jesus, na hindi tumalima sa doktrina ng Kasulatan, hanggang kamatayan. Hindi ba sila mga alipin sa bawat isang salita ng Kasulatan?
At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, ngunit mas gusto pa nilang paalisin Siya sa gitna ng mga tao upang makapasok sa langit at tumanggap ng biyaya. Mas gusto pa nilang lubusang itanggi ang pagdating ng katotohanan para pangalagaan ang mga interes ng Biblia, at mas ginusto pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Biblia. Paano matatanggap ng tao ang Aking pagliligtas, kung napakasama ng kanyang puso, at nilalabanan Ako ng kanyang likas na pagkatao? Ako ay namumuhay kasama ng mga tao, ngunit hindi pa rin nalalaman ng tao ang Aking pag-iral. Nang pinagniningning Ko ang Aking liwanag sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa Aking pag-iral. Nang pinakakawalan Ko ang Aking galit sa tao, itinatanggi niya ang Aking pag-iral nang may mas higit pang lakas. Naghahangad ang tao ng pagiging kaayon sa mga salita, sa Biblia, ngunit wala ni isang tao ang lumalapit sa harap Ko upang hanapin ang paraan ng pagiging kaayon sa katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit, at naglalaan ng partikular na malasakit sa Aking pag-iral sa langit, subalit walang may pakialam sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng mga tao ay sadyang masyadong walang halaga. Ang mga naghahanap lamang ng pagiging kaayon sa mga salita sa Biblia at naghahanap lamang ng pagiging kaayon sa malabong Diyos ay kahabag-habag sa Aking paningin. Iyon ay dahil ang kanilang sinasamba ay mga patay na salita, at isang Diyos na may kakayahang magkaloob sa kanila ng napakalaking kayamanan. Ang kanilang sinasamba ay isang Diyos na inilalagay ang sarili sa pagsasaayos ng tao, at hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang matatamo ng gayong mga tao sa Akin? Ang tao ay sadyang masyadong mababa para sa mga salita. Silang mga laban sa Akin, silang walang katapusang humihingi sa Akin, mga walang pagmamahal sa katotohanan, mga mapanghimagsik laban sa Akin—paano sila magiging kaayon sa Akin?
—mula sa “Dapat Mong Hanapin ang Paraan para Makaayon kay Cristo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang katunayan na Aking ipinaliliwanag dito ay ito: Ang kung ano at kung anong mayroon ang Diyos ay magpakailanmang di-nauubos at walang-hangganan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay at lahat ng bagay. Ang Diyos ay hindi maaaring maarok ng anumang nilalang. Panghuli, dapat Ko pa ring ipaalala sa lahat: Huwag muling limitahan ang Diyos sa mga aklat, mga salita, o Kanyang nakaraang mga pagbigkas. Mayroon lamang iisang salita para sa katangian ng gawain ng Diyos—bago. Ayaw Niyang tahakin ang lumang mga landas o ulitin ang Kanyang gawain, at higit pa ayaw Niyang sambahin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng paglilimita sa Kanya sa loob ng isang tiyak na sakop. Ito ang disposisyon ng Diyos.
—mula sa Pangwakas na Pananalita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
——————————————————————
Alam mo ba kung paano ang pagbabasa ng Bibliya upang makakamit ng higit na kaliwanagan at gabay ng Diyos? Ang 3 pangunahing punto na ito ay magiging malaking tulong.
Basahin na ngayon.——Paano ang Pagbabasa ng Bibliya: 3 Pangunahing Punto
※コメント投稿者のブログIDはブログ作成者のみに通知されます