Dong Mei, Probinsya ng Henan
Isa akong ordinaryong tao. Hindi espesyal ang buhay na ipinamuhay ko. Tulad ng maraming naghahangad sa liwanag, sinubukan ko ang maraming paraan upang hanapin ang tunay na kahulugan ng pag-iral ng tao, sinisikap na bigyan ang aking buhay ng higit na kabuluhan. Sa huli, ang lahat ng aking mga pagsisikap ay walang kabuluhan. Ngunit pagkatapos kong mapalad na tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, nagkaroon ng mga mahimalang pagbabago sa aking buhay. Nagdala ito ng higit pang kulay sa aking buhay, at naunawaan ko na tanging ang Diyos ang tunay na Tagapagbigay sa mga espiritu at buhay ng mga tao, at tanging ang mga salita ng Diyos ang tunay na kahulugan ng buhay ng tao. Natuwa ako na sa wakas ay natagpuan ko ang tamang landas ng buhay. Gayunpaman, habang ginagawa ko ang aking tungkulin, dati akong ilegal na inaresto at malupit na pinahirapan ng gobyerno ng CCP. Mula dito, nakatamo ang paglalakbay ng aking buhay ng karanasan na hindi ko kailanman malilimutan …
Isang araw noong Disyembre 2011 mga alas-siyete ng umaga, ako at ang isa pang pinuno ng iglesia ay nagsasagawa ng imbentaryo sa mga ari-arian ng iglesia, nang higit sa sampung opisyal ng pulisya ang biglang bumulabog sa pintuan. Isa sa masasamang pulis na ito ang nagmadaling lumapit sa amin at nagsisigaw ng: “Huwag kikilos!” Nang makita ko kung ano ang nangyayari, nagsuray-suray ang aking ulo. Inisip ko, Masama ito—mawawalan ng maraming ari-arian ang iglesia. Nang sumunod, kinapkapan kami ng masasamang pulis na para bang mga bandidong nagsasagawa ng pagnanakaw. Hinalughog din nila ang bawat silid, ginugulo ang mga ito nang mabilis. Sa huli, nakita nila ang ilang ari-arian ng iglesia, tatlong kard ng bangko, mga resibo ng deposito, mga computer, mga cellphone, at iba pa. Kinumpiska nila ang lahat ng ito, at dinala kaming apat sa istasyon ng pulisya.
Sa bandang hapon, nagdala ang masasamang pulis ng tatlo pang mga kapatirang babae na kanilang inaresto. Ikinulong nila kaming pito sa isang silid at hindi kami hinayaang magsalita, ni hindi kami pinatulog nang sumapit ang gabi. Nang makita ko ang mga kapatirang babaeng ikinulong kasama ko, at iniisip kung gaano karaming pera ang nawala sa iglesia, naramdaman ko sa aking sarili ang pagkabalisa. Ang magagawa ko lamang ay manalangin agad sa Diyos: O Diyos! Sa pagharap sa suliranin na ito, hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pangalagaan po ang aking puso at pakalmahin ito. Pagkatapos manalangin, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag matakot, kapag ang mga bagay na gaya nito ay nangyayari sa iglesia, lahat ng ito ay pinahintulutan Ko. Tumayo at maging Aking tinig. Manampalataya na ang lahat ng bagay at usapin ay pinahihintulutan ng Aking trono at ang lahat ay nagtataglay ng Aking mga hangarin sa loob ng mga ito” (“Kabanata 41” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Dapat mong malaman na lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan mo nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo” (“Kabanata 41” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nasugpo ng mga salita ng Diyos ang takot sa aking puso. Natanto ko na, ngayon, sumapit sa akin ang suliraning ito nang may pahintulot ang Diyos, at dumating na ang oras ng paghingi sa akin ng Diyos na magpatotoo sa Kanya. Sa pagkaunawa ko sa kalooban ng Diyos, nanalangin ako sa Diyos at nagsabi: “O Diyos! Nais kong sundin ang Iyong mga pagsasaayos at plano, at panindigan ang aking patotoo sa Iyo—ngunit maliit ang aking tayog, at hinihiling kong bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas, at pangalagaan ako sa aking paninindigan.”
Kinabukasan, hinati nila kami at pinagtatanong kami. “Alam kong isa kang pinuno ng iglesia. Limang buwan na namin kayong sinusubaybayan,” ipinagmamalaking sinabi ng isa sa masasamang pulis. Nang marinig ko siyang inilarawan nang detalyado ang lahat ng bagay na ginawa nila upang subaybayan ako, nanginig ang aking gulugod. Inisip ko, maraming pagsisikap talaga ang ginawa ng pamahalaan ng CCP sa pag-aresto sa amin. Dahil alam na nilang isa akong pinuno ng iglesia, hindi na nila ako pakakawalan pa. Agad kong ibinigay ang aking pasiya sa harap ng Diyos: mas gugustuhin kong mamatay kaysa ipagkanulo ang Diyos at maging Judas. Sa pagkakita na walang naibubungang anumang resulta ang kanilang pagtatanong, nagtalaga sila ng isang tao upang bantayan ako at huwag akong patulugin.
Sa interogasyon ng ikatlong araw, ang pinuno ng masasamang pulis ay nagbukas ng computer at ipinabasa sa akin ang mga materyales na umaalipusta sa Diyos. Sa pagkakitang hindi ako naapektuhan, tinanong niya akong mabuti pagkatapos tungkol sa pananalapi ng iglesia. Lumingon ako sa isang panig at hindi ko siya pinansin. Ikinagalit niya ito nang sobra at nagsimula siyang magmura. “Hindi mahalaga kahit wala kang anumang sabihin—kaya ka naming ikulong nang walang hanggan, at papahirapan ka kahit kailan namin gusto,” nagbanta siya nang matindi. Sa kalagitnaan ng gabing iyon, sinimulan ng pulis ang kanilang pagpapahirap. Hinila nila ang isa sa aking mga bisig sa likod ng aking balikat at ang isa pa pataas mula sa aking likuran. Habang tinatapakan ng kanilang mga paa ang aking likuran, sapilitan nilang nilagyan ng posas ang pareho kong pulso nang magkasama. Sobrang sakit na napasigaw ako—ang mga buto at laman sa aking mga balikat ay parang mapuputol. Magagawa ko lamang lumuhod nang hindi gumagalaw habang ang aking ulo ay nasa sahig. Ang akala ko ay maaawa sila sa akin sa aking mga sigaw, ngunit sa halip ay naglagay sila ng tasa ng tsaa sa pagitan ng mga posas at ng aking likuran, na muling nagpadoble sa sakit. Ang mga buto sa aking itaas na bahagi ng katawan ay parang nahati sa dalawa. Sobra ang sakit na ni hindi ko nagawang huminga at bumuhos pababa sa aking mukha ang malamig na pawis. Nang hindi ko na kayang tiisin ang sakit, sinamantala ng isa sa masasamang pulis ang pagkakataong ito na sabihin sa akin: “Basta bigyan mo lang kami ng isang pangalan at palalayain ka namin agad.” Sa sandaling iyon, tumawag ako sa Diyos upang pangalagaan ang aking puso. Naisip ko agad ang isang himno: “Diyos sa katawang-tao’y nagdurusa, gaano pa kaya ako? Kung nagparaya ako sa kadiliman, paano ko makikita ang Diyos? Kapag iniisip ko ang mga salita Mo, mas lalo Kitang inaasam. Sa tuwing nakikita ko ang Iyong mukha, sa bagbag ng budhi ko, nagpupugay ako sa ’Yo. Pa’no Kita iiwan para hanapin ’di-umano’y kalayaan? Mas nais kong magdusa upang hilumin puso Mong nalulumbay” (“Naghihintay sa Mabuting Balita ng Diyos” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). “Oo,” naisip ko. “Si Cristo ang banal at matuwid na Diyos. Siya ay nagkatawang-tao at dumating sa lupa upang ihatid ang kaligtasan sa ganap na natiwaling sangkatauhan. Sa matagal ng panahon, Siya ay pinag-uusig at pinaghahanap ng pamahalaan ng CCP at nilalabanan at isinusumpa ng sangkatauhan. Hindi kailanman dapat na magdusa ang Diyos sa ganitong paraan, ngunit tahimik Niyang tinitiis ang lahat ng ito upang iligtas tayo.” Kaya, sa pagninilay-nilay, nakita ko na nagdurusa ako ngayon upang makatamo ng pagliligtas—dapat akong ilagay sa pagdurusang ito. Kung sumuko ako kay Satanas dahil hindi ko kayang matiis ang sakit, paano ko pa muling makakaharap ang Diyos? Sa pag-iisip nito ay nabigyan ako ng lakas, at hindi ako sumukong muli. Pinahirapan ako nang labis ng masasamang pulis nang halos isang oras. Nang inalis nila ang mga posas, paika-ikang bumagsak ang buo kong katawan sa lupa. “Kapag hindi ka nagsalita uulitin namin ito!” sigaw nila sa akin. Tiningnan ko sila at hindi ako umimik. Napuno ng poot ang aking puso sa masasamang pulis na ito. Lumapit ang isa sa masasamang pulis upang ibalik muli ang mga posas. Sa pag-iisip sa napakatinding sakit na kararanas ko lamang, patuloy akong nanalangin sa Diyos sa aking puso. Nagulat ako nang sinubukan niyang hilahin ang aking mga bisig sa aking likuran dahil hindi niya kayang magalaw ang mga ito. Hindi rin ito sumakit nang sobra. Puspusan niya itong sinusubukan na nabalutan na ng pawis ang kanyang buong ulo—ngunit hindi pa rin niya kayang maibalik ang mga posas. “Medyo malakas ka!” pagalit niyang sinabi. Alam kong ito ang Diyos na nag-aalaga sa akin, na binibigyan ako ng lakas ng Diyos. Salamat sa Diyos!
Ang makaraos hanggang sa madaling araw ay mahirap. May troma pa rin ako sa tuwing naalala ko kung paano ako pinahirapan ng masasamang pulis. Binantaan din nila ako, na sinasabi sa akin na kung wala akong sasabihin, kailangan nila akong dalhin sa liblib na kabundukan at papatayin nila ako. Pagkatapos, kapag inaresto nila ang iba pang mga mananampalataya, sasabihin nilang ipinagkanulo ko ang iglesia—sisiraan nila ang aking pangalan upang kamuhian ako ng iba pang mga kapatirang lalaki at babae sa iglesia. Habang iniisip iyon, nalubog ang aking puso sa mga alon ng kapanglawan at kawalang kakayahan. Naramdaman ko ang pagkapahiya at kahinaan. Inisip ko: mas mabuting mamatay na lang ako. Sa ganoong paraan ay hindi ako magiging isang Judas at ipagkakanulo ang Diyos, hindi rin ako itatakwil ng aking mga kapatid. Maiiwasan ko rin ang sakit ng pagpapahirap sa laman. Kaya naghintay ako hanggang sa hindi na nakatingin ang nagbabantay na masamang pulis at hinampas ko nang malakas ang aking ulo sa dingding—ngunit ang nangyari ay nahilo lamang ako; hindi ako namatay. Sa sandaling iyon, niliwanagan ako ng mga salita ng Diyos mula sa loob: “Kapag naipagkakamali ka ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at sinasabi: ‘O Diyos! Hindi ko hinihingi na pahintulutan ako ng iba o tratuhin ako nang maayos, ni ako ay maintindihan o sang-ayunan nila. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa aking puso, na ako ay makatitiyak sa aking puso, at na ang aking konsensiya ay malinis. Hindi ko hinihingi na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso’” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Ibigin Nang Tunay ng Tao ang Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Inalis ng mga salita ng Diyos ang kalungkutan mula sa aking puso. Oo. Nakikita ng Diyos ang kaloob-looban ng mga puso ng mga tao. Kung pararatangan ako ng mga pulis, kahit na itakwil at hindi ako talagang maunawaan ng iba pang mga kapatid dahil hindi nila alam kung ano ang totoong nangyari, nagtitiwala ako na mabuti ang mga intensyon ng Diyos; sinusubukan ng Diyos ang aking pananampalataya at pag-ibig sa Kanya, at dapat kong ipagpatuloy ang pagpapasaya sa Diyos. Nang makita ko ang mga tusong pakana ng diyablo, bigla akong napahiya at nahiya. Nakita kong napakaliit ng aking pananampalataya sa Diyos. Hindi ko nagawang matatag na tumindig matapos mahirapan sa kaunting sakit, at naisip na tumakas at iwasan ang mga pagsasaayos ng Diyos sa pamamagitan ng kamatayan. Layunin ng masasamang pulis sa pagsasalita ng mga banta ng pananakot na talikuran ko ang Diyos. At kung hindi dahil sa pangangalaga ng Diyos, mahuhulog na ako sa kanilang tusong pamamaraan. Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, napuno ang aking puso ng liwanag. Hindi ko na nais pang mamatay, kundi ang mabuhay nang mabuti, at gamitin ang mismong pagsasabuhay ko upang magpatotoo sa Diyos at pahiyain si Satanas.
Ang dalawang masamang pulis na nakatalaga sa pagbabantay sa akin ay nagtanong kung bakit ko hinampas ang aking ulo sa dingding. Ang sabi ko ay dahil binugbog ako ng iba pang mga pulis. “Sibilisadong paraan ang aming pangunahing ginagawa. Huwag mag-alala—hindi ko hahayaang saktan ka nila ulit,” sabi ng isa sa kanila nang nakangiti. Nang marinig ko ang kanyang mga salita ng ginhawa, naisip ko: Hindi masama ang dalawang ito; simula nang ako ay naaresto medyo naging mabait sila sa akin. Dahil doon, ibinaba ko ang aking depensa. Ngunit sa sandaling iyon, biglang sumagi sa aking puso ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, ang Aking bayan ay dapat na nakabantay laban sa mga tusong pakana ni Satanas, pinangangalagaan ang pasukan ng Aking tahanan para sa Akin, … na pipigil sa inyo sa pagkahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging napakahuli na para sa mga pagsisisi” (“Kabanata 6” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nagbigay ng isang napapanahong paalala sa akin ang mga salita ng Diyos, ipinakikita sa akin na maraming tusong pakana ang diyablo, at dapat akong mag-ingat laban sa mga demonyong ito sa lahat ng oras. Lingid sa aking kaalaman na ibubunyag pala nila ang kanilang mga tunay na kulay. Ang isa sa masasamang pulis ay nagsimulang manirang-puri sa Diyos, habang ang isa ay umupo sa tabi ko na tinatapik ang aking binti, umiirap sa akin at tinatanong ang tungkol sa mga pananalapi ng iglesia. Sa gabi, sa pagkakita na inaantok ako, sinimulan niyang kapain ang aking dibdib. Nang makita kong ibinunyag nila ang kanilang mga tunay na mukha, napuno ako ng galit. Ngayon ko lamang nakita na ang mga naturingang pulis ng mamamayan ay walang iba kundi mga sanggano at maton. Ito ang mga kasuklam-suklam at pangit na bagay na kaya nilang gawin. Dahil dito, maaari lamang akong agarang manalangin sa Diyos upang pangalagaan ako mula sa kanilang pananakit.
Buong Teksto:Ang Puwersa ng Buhay na Hindi Kailanman Mapapawi
※コメント投稿者のブログIDはブログ作成者のみに通知されます